Hindi pa rin bumabalik sa pamamasada ang ilang mga tricycle driver sa kabila ng mga ipinatupad na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, ayon sa pahayag ng ilang transport group sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Solero Silaran Jr., sinabi niya na bagama’t may pagbaba sa presyo ng langis ay hindi umano ito sapat upang agad nilang maramdaman ang ginhawa sa kanilang kabuhayan.
Ipinaliwanag niya na mas malaki at mas mabilis ang naging pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa mga nakalipas na panahon kumpara sa kasalukuyang rollback na aniya ay kakarampot lamang.
Dagdag pa niya, ang maliit na rollback ay hindi nakakasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gastusin sa araw-araw.
Dahil dito ay marami pa rin sa kanilang kasamahan ang nagdadalawang-isip na muling bumiyahe dahil hindi pa rin garantisadong makakabawi sa kanilang puhunan sa gasolina o diesel gayundin ang kanilang kikitain.
Anila, nananatiling mataas ang operational cost tulad ng boundary fee, maintenance ng sasakyan at iba pang gastusin kaya’t hindi pa rin sapat ang kasalukuyang presyo ng langis upang maibalik ang dating sigla ng kanilang pamamasada.











