--Ads--

Nasamsam ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 500 sako ng umano’y iligal na pataba matapos salakayin ang isang hindi rehistradong pagawaan ng fertilizer sa Barangay Sta. Monica, Rizal, Nueva Ecija noong Hulyo 15.

Ayon sa Department of Agriculture-Fertilizer and Pesticide Authority (DA-FPA), isinagawa ang operasyon sa tulong ng iba’t ibang yunit ng Philippine National Police matapos madakip ang isang hinihinalang ahente ng naturang kumpanya na nagturo sa lokasyon ng warehouse.

Bukod sa mga sako ng pataba, nakumpiska rin ng mga awtoridad ang 21 granulator machine at ilang delivery truck na may tinatayang kabuuang halaga na P900,000.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang hindi rehistrado ang pasilidad at nabigo ang may-ari na magpakita ng mga kinakailangang permit at lisensya para sa paggawa ng fertilizer.

--Ads--

Binigyang-diin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nakapipinsala sa mga magsasaka, produksyon ng pagkain, at kapaligiran ang mga iligal na pataba. Samantala, inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kaso laban sa may-ari ng pagawaan dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree No. 1144.