--Ads--

Umiigting ngayon ang panawagan sa Kamara de Representantes na busisiin ang umano’y cartel-like behavior sa industriya ng langis upang protektahan ang publiko laban sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ipinaabot ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima ang kanyang buong suporta na imbestigahan ang posibleng overpricing at profiteering ng malalaking kumpanya ng langis, lalo na sa gitna ng nararanasang oil price shock sa bansa.

Pinalalakas ng hakbang ni De Lima ang nauna nang inisyatibo ni House Ways and Means Committee Chair Miro Quimbo. Matatandaang kinalampag ni Quimbo ang Philippine Competition Commission (PCC) at Energy Regulatory Commission (ERC) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa pinaghihinalaang sabwatan sa pagtatakda ng presyo sa merkado.

Sa isinagawang pagdinig ng Legislative Energy Action Development (LEAD) Council sa Kamara noong ika-8 ng Abril, kinumpirma ni Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) Secretary Arsenio Balisacan na nasa mandato ng PCC at ERC na tukuyin at parusahan ang anumang anti-competitive practices na direktang nagpapataas sa halaga ng fuel.

--Ads--

Bunsod ng mga serye ng pagtaas ng presyo , iginiit ni De Lima na napapanahon na upang repasuhin ang Oil Deregulation Law.

Ayon sa mambabatas, malinaw na hindi sapat ang balangkas ng kasalukuyang batas para ipagtanggol ang mga konsyumer sa panahon ng krisis.

Upang matugunan ang isyu, nauna nang inihain ni De Lima ang House Bill No. 8824 na naglalayong amyendahan ang nasabing batas at bantayan ang pang-aabuso ng mga kumpanya ng langis.