Hinimok ng isang transport at public interest lawyer ang publiko na unawain ang tamang proseso ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa halip na agad magbigay ng opinyon batay lamang sa mga lumalabas na impormasyon sa social media.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ariel Inton, Founder at President ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), sinabi nitong mahalagang maging maingat ang publiko sa pagbibigay ng komento dahil nasa maagang yugto pa lamang ang impeachment proceedings at hindi pa naipiprisinta ang lahat ng ebidensya.
Ipinaliwanag ni Atty. Inton na ang mga naging manifestations ng magkabilang kampo ay hindi pa maituturing na ebidensya at hindi pa dapat gamiting batayan sa paghusga sa kaso. Aniya, ang mga ito ay simpleng pahayag lamang ng magkabilang panig habang ang tunay na bigat ng kaso ay nakasalalay sa mga ebidensyang ihaharap sa paglilitis.
Ayon pa sa abogado, kabilang sa unang tinalakay ng prosecution ang naging pahayag ni Vice President Duterte hinggil sa umano’y pagkuha ng assassin laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Gayunman, sinabi ni Atty. Inton na kinakailangan pa ring mapatunayan ng prosecution ang lahat ng elemento ng isang krimen. Aniya, hindi sapat ang isang video o pahayag lamang upang agad masabing may naganap na conspiracy o high crime na maaaring maging batayan ng impeachment.
Ipinaliwanag din nito na sa ilalim ng umiiral na batas, hindi lahat ng conspiracy ay awtomatikong isang krimen.
Halimbawa aniya, ang conspiracy to commit murder ay hindi agad maituturing na hiwalay na krimen hangga’t walang aktuwal na pagpapatupad o ibang elementong hinihingi ng batas.
Dahil dito, sinabi ni Inton na kailangan pang patunayan ng prosecution kung may sapat na ebidensya na may aktuwal na kasunduan o hakbang na isinagawa kaugnay sa sinasabing banta.
Samantala, tinalakay rin ni Inton ang isyu sa pagtanggap ng impeachment court sa mga duplicate copies ng dokumento bilang ebidensya. Aniya, pinapayagan ng batas ang paggamit ng duplicate documents, ngunit maaari itong kuwestiyunin kung may seryosong pagdududa sa pagiging tunay ng dokumento o kung magiging hindi makatarungan ang pagtanggap nito sa halip na ang orihinal.
Binigyang-diin ng abogado na ang naturang pagtutol ng depensa ay bahagi lamang ng normal na legal na proseso at hindi nangangahulugang awtomatikong mali o tama ang alinmang panig.
Nanawagan siya sa publiko na sundan ang buong proseso ng impeachment trial nang bukas ang isipan at iwasang husgahan agad ang magkabilang kampo hangga’t hindi pa natatapos ang presentasyon ng mga ebidensya at pagpapasya ng impeachment court.










