--Ads--

Inihayag ng Malacañang nitong Lunes na hindi tututukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na pormal nang sinimulan ng Senado ngayong hapon.

Ayon sa Palasyo, nakatuon ang Pangulo sa kanyang mga tungkulin at iba pang mahahalagang gawain ng pamahalaan kaya hindi niya personal na susubaybayan ang mga pagdinig ng impeachment court.

Nagtipon ang Senado bilang impeachment court alas-2 ng hapon ngayong araw para sa pormal na pagbubukas ng paglilitis laban kay Duterte. Nauna nang nagpalabas ng notice at summons ang impeachment court na nag-uutos sa Bise Presidente na humarap sa paglilitis, personal man o sa pamamagitan ng kanyang abogado.

Samantala, muling iginiit ng Malacañang na mahalagang mabigyang-linaw at masagot ang mga usaping kaugnay ng impeachment case sa pamamagitan ng wastong proseso.

--Ads--

Tiniyak din ng Palasyo na hindi makikialam ang Executive Branch sa mga desisyong gagawin ng Senado kaugnay ng impeachment trial, kabilang ang mga usaping may kinalaman sa pamantayan at kinakailangang bilang ng boto para sa paghatol sa kaso.

Nanindigan ang Malacañang na nasa Senado bilang impeachment court ang kapangyarihang magpasya sa mga usaping may kaugnayan sa paglilitis alinsunod sa Konstitusyon at umiiral na mga tuntunin.