--Ads--

Magpapatuloy ang kilos-protesta ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ngayong Huwebes, Hulyo 2, matapos bawiin ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang kanilang permit extension para sa pagdaraos ng rally sa EDSA-White Plains area.

Ayon sa ulat, nagtapos ang programa ng mga nagpoprotesta alas-8 ng gabi nitong Miyerkules alinsunod sa naunang permit na ipinagkaloob ng Quezon City government. Inatasan din ang mga kalahok na linisin ang lugar at dalhin ang kanilang mga basura bago umalis.

Sinabi ng isang ministro ng INC sa mga dumalo na ililipat sa Liwasang Bonifacio ang pagtitipon dahil hindi na kinakailangan ng permit upang magsagawa ng programa sa naturang lugar.

Samantala, inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Anthony Aberin na magpapakalat sila ng paunang 1,000 pulis sa Liwasang Bonifacio upang tiyakin ang kaayusan at seguridad sa lugar.

--Ads--

Ayon pa kay Aberin, maaari pang madagdagan ang bilang ng mga pulis depende sa dami ng mga kalahok sa pagtitipon. Humingi na rin ng karagdagang puwersa ang NCRPO mula sa iba pang yunit ng pulisya at nakahanda ring maglagay ng mas maraming CCTV camera sa paligid.

Sa kabila ng pagbabago ng lugar, iginiit ng mga kalahok na magpapatuloy sila sa pagsama sa kilos-protesta at mananatiling nagkakaisa sa pagsuporta sa pamunuan ng kanilang simbahan.