Handang harapin ni Senator Rodante Marcoleta ang anumang kasong maaaring isampa laban sa kanya, kabilang na ang posibilidad na makulong kaugnay ng plunder case na iniuugnay sa umano’y iregularidad sa kanyang election campaign funds.
Ginawa ni Marcoleta ang pahayag kasabay ng ikalawang araw ng kilos-protesta ng Iglesia ni Cristo (INC), kung saan sinabi niyang hindi siya nababahala sa anumang legal na hakbang na maaaring isagawa laban sa kanya.
Iginiit ng senador na handa siyang harapin ang anumang reklamong ihahain laban sa kanya sa pamamagitan ng umiiral na proseso ng batas.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na desisyon ang hukuman kaugnay ng mga alegasyon laban kay Marcoleta. Nananatili rin ang presumption of innocence o pagpapalagay na inosente ang senador hangga’t hindi siya napatutunayang nagkasala sa korte.
Matatandaang libu-libong miyembro ng Iglesia ni Cristo ang nagtipon sa People Power Monument sa Quezon City noong Hunyo 30 at Hulyo 1 bilang pagpapakita ng suporta kay Marcoleta.
Samantala, sinabi ni Ka. Edwil Zabala na magpapatuloy ang panawagan ng INC para sa katarungan anuman ang maging resulta ng mga kasong kinahaharap ng senador.
Ayon kay Zabala, kahit pa makulong si Marcoleta ay hindi titigil ang kanilang panawagan para sa katarungan para sa mga Pilipinong umano’y napagkaitan ng kanilang karapatan.











