--Ads--

Nanawagan ang pamahalaan ng Iran sa kanilang kabataan nitong Martes na bumuo ng mga “human chain” sa paligid ng mga planta ng kuryente, matapos magbanta si Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos na wawasakin ang imprastraktura ng enerhiya ng Islamic Republic kung hindi nito muling bubuksan ang Strait of Hormuz.

Ayon kay Alireza Rahimi, kalihim ng Supreme Council of Youth and Adolescents, “Ang mga planta ng kuryente ay pambansang yaman na para sa kinabukasan ng Iran at ng kabataan.” Ipinakita sa state TV ang mga estudyante, artista, atleta, at iba pang mamamayan na agad tumugon sa panawagan, nagtipon sa mga tulay at pasilidad habang iwinawagayway ang bandila ng Iran.

Libu-libong Iranian ang nagtipon sa mga planta ng kuryente at tulay, nagbitbit ng mga bandila at plakard bilang protesta.

Kasama sa mga lumahok ang mga bata, ilang oras bago ang itinakdang deadline ni Trump.

--Ads--

Nagbabala ang Iran na maaari rin nitong kontrolin ang Bab el-Mandeb Strait kung matuloy ang bantang pag-atake.

Matatandaan na nagpahayag si Trump na kung hindi bubuksan ng Tehran ang Strait of Hormuz bago alas-8 ng gabi, sisirain ng militar ng Amerika ang lahat ng tulay at planta ng kuryente ng Iran. Aniya, “Kumpleto ang demolisyon bago mag-alas-12 bukas ng gabi.”

Samantala, binatikos ng Amnesty International ang umano’y paggamit ng Iran sa mga kabataan, kabilang ang mga menor de edad, sa mga aktibidad na may kaugnayan sa militar.