--Ads--

Ipapatawag ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Cauayan ang pamunuan ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP upang linawin ang mga umiiral na patakaran, partikular tuwing may dumarating na mga VIP sa lungsod.

Ito ay kasunod ng naging karanasan ng ilang opisyal ng lungsod na hindi pinapasok sa VIP area ng paliparan dahil sa ipinatutupad na restrictions.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Councilor Bagnos Maximo Jr. ng Lungsod ng Cauayan, sinabi niyang isa ito sa mga isyung tatalakayin ng konseho upang maunawaan ang batayan ng naturang mga patakaran.

Ayon kay Maximo, inaasahan sana nilang mabibigyan ng sapat na konsiderasyon ang mga opisyal ng lungsod bilang bahagi ng courtesy, lalo na sa mga pagkakataong sumasalubong sila sa mga panauhing dumarating sa lungsod.

--Ads--

Dagdag pa niya, nakararamdam umano ng hindi magandang impresyon ang ilang opisyal kapag hindi sila pinapapasok sa VIP section, sa kabila ng kanilang opisyal na tungkulin.

Giit ng konsehal, hindi para sa pansariling interes ang kanilang presensya sa paliparan kundi bilang bahagi ng kanilang responsibilidad sa lungsod.

Dahil dito, inaasahang sa susunod na linggo ay magpapatawag ng pagpupulong ang City Council kasama ang CAAP upang malinaw na maipaliwanag ang mga panuntunan at maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap.

Layunin ng naturang hakbang na magkaroon ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng CAAP, at makabuo ng mas angkop na sistema sa pagtanggap ng mga VIP sa Lungsod ng Cauayan.