Nagsagawa ang China ng military drills, kabilang ang live-fire exercises, malapit sa silangan ng Luzon kamakailan, ayon sa kanilang pahayag noong Biyernes, kasabay ng taunang Balikatan exercises ng Pilipinas at Estados Unidos.
Mahigit 17,000 sundalo mula sa Pilipinas, US, at iba pang kaalyado ang lumalahok sa Balikatan drills na tumatakbo mula Abril 20 hanggang Mayo 8.
Sa kauna-unahang pagkakataon, sumali rin ang mga combat troops mula Japan sa gitna ng umiigting na tensyon sa rehiyon.
Ayon sa Southern Theater Command ng China, isinagawa ng kanilang Naval Task Group 107 ang iba’t ibang aktibidad tulad ng live-fire shooting, sea-air coordination, rapid maneuvers, at maritime replenishment upang subukin ang kanilang joint combat capabilities.
Hindi naman nagbigay ng eksaktong lokasyon o petsa ang China, ngunit iginiit na ang mga aktibidad ay “necessary operation” at naaayon sa international law, bilang tugon sa kasalukuyang sitwasyon sa rehiyon.
Matagal nang kinokondena ng China ang military exercises ng Pilipinas at mga kaalyado nito, na anila’y nagpapataas ng tensyon sa rehiyon.
Samantala, bahagi ng Balikatan exercises ang mga drills sa Luzon, kabilang ang kauna-unahang maritime strike drills sa Itbayat, ang pinakahilagang bahagi ng Pilipinas na malapit sa Taiwan. Mayroon ding counter-landing live-fire drills na gaganapin sa Zambales, malapit sa pinagtatalunang Scarborough Shoal.
Sa hiwalay na pahayag, tiniyak ni Chinese Premier Li Qiang na kanilang papalakasin pa ang kakayahan ng bansa sa maritime defense at teknolohiya upang mapangalagaan ang kanilang seguridad at interes sa pinag-aagawang karagatan.








