--Ads--

Nilinaw ng pamunuan ng Isabela PPO ang mga ulat ukol sa umano’y 11 na insidente ng cattle rustling sa bayan ng Tumauini, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer PCpt. Scarlette Topinio ng IPPO, sinabi niya na batay sa opisyal at beripikadong tala ng kapulisan, isang insidente lamang ang naitala o naireport sa kanilang tanggapan noong 2024, kung saan isa ang naaresto sa kasong cattle rustling.

Noong 2025, apat na insidente ang naitala at isa rin ang naaresto.

Sa isang naunang panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Mayor Christopher Uy ng Tumauini, Isabela, sinabi niya na umabot na sa labing-isang insidente ng cattle rustling ang naitala sa siyam na barangay ng Tumauini mula noong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan.

--Ads--

Nalaman ang impormasyon mula sa isang pagpupulong noong Pebrero 18, kung saan nakita at nakausap mismo ni Vice Mayor Uy ang ilang biktima na umiiyak habang ibinabahagi ang kanilang mga karanasan.

Sa kasalukuyang taon, ayon sa IPPO, tatlong insidente na ang naitala, kung saan isa ang narekober at naibalik sa may-ari ang isang baka na ninakaw.

Ang tatlong insidenteng naitala ngayong taon ay kinabibilangan ng violation of PD 533 (Butchered Large Cattle) na natuklasan noong Pebrero 14, 2026, sa Barangay Moldero, Santa, Tumauini, at Barangay Maggassi, Cabagan, Isabela. Ang imbestigasyon ukol dito ay patuloy na isinasagawa.

Ang pangalawang insidente ng cattle rustling, ay naiulat noong Pebrero 15, 2026, sa Barangay Malamag East, Tumauini, Isabela, at ang mga suspek ay hindi pa natutukoy.

Ang pangatlong insidente ay natuklasan noong Pebrero 17, 2026, at naiulat noong Pebrero 19, 2026, sa Barangay San Vicente, Tumauini. Ang tatlong suspek sa kasong ito ay boluntaryong sumuko sa mga awtoridad at hindi naaresto tulad ng naunang naiulat.

Ang isang 8-taong gulang na puting baka na may halagang P45,000 ay naibalik sa may-ari nitong si “Myrna” mula sa Barangay Ugad, Tumauini.

Patuloy namang nagsasagawa ng mga hakbang ang PNP Isabela upang maiwasan ang mga insidenteng tulad nito, kabilang ang police visibility, patrol operations, mahigpit na koordinasyon sa mga barangay officials at mga nag-aalaga ng hayop, intelligence monitoring, at checkpoint operations sa mga estratehikong lugar.

Hinihikayat din ng PNP ang publiko na makipagtulungan sa pagpapanatili ng kaayusan at agarang i-report ang anumang insidente ng cattle rustling o krimen sa kanilang komunidad upang agad na maaksyunan ng pulisya at mahuli ang mga kawatan.