--Ads--

Inaresto ng mga awtoridad ang isang barangay kagawad matapos umanong saktan ang kanyang kabarangay sa naganap na insidente bandang alas-9:58 ng gabi noong Hulyo 11, 2026 sa bayan ng San Ildefonso, Ilocos Sur.

Kinilala ang suspek na isang 55-anyos na magsasaka at kasalukuyang barangay kagawad sa naturang bayan. Ang biktima naman ay isang 25-anyos na empleyado ng gobyerno at residente rin ng lugar.

Ayon sa ulat ng San Ildefonso Municipal Police Station, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo na may modified muffler bago naganap ang insidente.

Batay sa imbestigasyon, kinompronta umano ng barangay kagawad ang biktima dahil sa malakas na ingay ng motorsiklo at pinayuhan itong huwag gamitin ang sasakyan sa lugar. Gayunman, hindi umano ito sinunod ng biktima at ipinagpatuloy pa rin ang paggamit ng motorsiklo.

--Ads--

Dahil dito, umano’y hinampas ng suspek ang ulo ng biktima gamit ang isang kawayan na naging sanhi ng kanyang pagkakasugat.

Agad na isinugod ang biktima sa Northside Doctors Hospital para sa karampatang lunas habang dinala naman ang suspek sa Magsingal District Hospital para sa medico-legal examination.

Matapos ang pagsusuri, isinailalim sa kustodiya ng San Ildefonso Municipal Police Station ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng nararapat na kaso.