Patuloy na sinusuri ng pamahalaan ang extradition request ng Estados Unidos laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi pa natatapos ng Department of Justice (DOJ) ang pagrepaso sa mga dokumentong isinumite ng US kaugnay ng kahilingan.
Sinabi ni Castro na marami pang detalye at dokumento ang kailangang suriin bago makapagbigay ng rekomendasyon ang DOJ kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa mga tinitingnan ng DOJ ang wastong pagkakakilanlan ng taong nais ipa-extradite at kung ang mga kasong isinampa laban kay Quiboloy sa US ay may katumbas ding paglabag sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
Sa ngayon, wala pa umanong pinal na pasya ang Pangulo hinggil sa usapin.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na posibleng mailabas ang desisyon sa loob ng ilang linggo matapos makumpleto ang mga kinakailangang legal na proseso.











