Bumaba ang suplay ng tilapia sa mga pamilihan matapos maapektuhan ng fish kill sa bahagi ng Magat Dam ang produksyon ng ilang fish raisers sa Ramon, Isabela, na nagdulot din ng pagtaas sa presyo ng isda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Virgie Tagaca, sinabi niyang kapansin-pansin ang kakulangan ng suplay mula sa mga fish raisers kaya nahihirapan ang mga nagtitinda na matugunan ang pangangailangan sa mga fish stall at pamilihan.
Ayon kay Tagaca, may pumapasok pa ring suplay ngunit hindi ito sapat dahil hindi pa lubusang nakakabawi ang ilang fisherfolk na naapektuhan ng fish kill.
Dahil dito, ramdam umano ang epekto sa mga mamimili at nagtitinda, habang tumaas din ang presyo ng tilapia mula sa dating ₱120 hanggang ₱130 kada kilo at nasa ₱150 hanggang ₱160 kada kilo na ngayon.
Umaasa naman ang sektor ng pangisdaan na makakabawi ang produksiyon upang maging sapat muli ang suplay at mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng isda.











