--Ads--

Tiniyak ng liderato ng House of Representatives of the Philippines na isusulong ang pagpasa ng dalawang prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso ngayong linggo.

Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, target ng Kamara na maaprubahan ang panukalang National Land Use Act at ang amyenda sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bago matapos ang First Regular Session ng 20th Congress sa nalalapit na sine die adjournment sa Hunyo.

Giit ni Marcos, ang mga panukalang ito ay hindi na lamang nasa antas ng diskusyon kundi malapit nang matapos, kaya kinakailangan na lamang ng tuloy-tuloy na pagtalakay sa plenaryo upang maisulong sa ganap na pagpasa.

Ipinaliwanag niya na layunin ng National Land Use Act na maglatag ng komprehensibong plano sa tamang paggamit ng lupa sa bansa, habang ang pagbabago sa 4Ps ay nakatuon sa pagpapalakas at pagpapalawak ng pangunahing programang pantulong sa mga mahihirap na pamilya.

--Ads--

Ipinagmalaki rin ni Marcos ang naging performance ng Kamara matapos maipasa ang 18 sa kabuuang 54 LEDAC priority measures bago ang Holy Week break, na aniya’y patunay ng mas aktibong lehislatura sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Faustino Dy III.

Kabilang sa mga naipasa ang batas na nagpaliban sa unang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ang panukalang National Center for Geriatric Health na kasalukuyang nasa Bicameral Conference Committee.

Samantala, nasa talaan ng mga tatalakayin sa plenaryo ang panukalang Anti-Political Dynasty Act.Ayon kay Marcos, mahalaga ang mga nalalabing linggo ng sesyon upang matiyak na hindi maaantala ang mga mahahalagang panukala, at maipasa ang mga ito bago ang pagtatapos ng sesyon ng Kongreso.