Nagbabala ang Ilagan City Police Station sa publiko kaugnay ng pinaigting nitong kampanya kontra sa iligal na armas, droga, at pampasabog, kasabay ng panawagan sa mamamayan na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang mapigilan ang paglaganap ng ganitong uri ng krimen sa komunidad.
Matatandaang inaresto ang isang hinihinalang gun runner matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Ilagan City na nagresulta sa pagkakakumpiska ng iba’t ibang baril, granada, at hinihinalang ilegal na droga.
Kinilala ang suspek na si alyas “Mike,” 35 anyos, binata, laborer, at residente ng Purok 3B, Barangay Upi, Gamu, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt. Noralyn Andal, Information Officer ng Ilagan City Police Station, na isinagawa ang intelligence-driven operation dakong 9:23 ng gabi noong Mayo 6, 2026 sa Purok 1, Barangay Bagong Silang.
Nahuli ang suspek matapos ibenta sa poseur-buyer ang isang Colt .45 pistol na may magazine at tatlong bala kapalit ng ₱1,000 tunay na pera at ₱22,000 boodle money.
Sa isinagawang body search, narekober pa mula sa kanya ang isang MK2 fragmentation grenade, isang .22 revolver na may tatlong bala, isang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.1 gramo at tinatayang halagang ₱680, mga drug paraphernalia, cellphone, pera, at motorsiklong pinaniniwalaang ginagamit sa ilegal na aktibidad.
Maayos na naidokumento at naimbentaryo ang lahat ng nakuhang ebidensya sa presensya ng mga kinatawan ng National Prosecution Service at mga opisyal ng barangay upang matiyak ang pagsunod sa tamang legal na proseso.
Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at paghahanda ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, at Republic Act 9516 o illegal possession of explosives.







