Nasawi ang isang 59-anyos na karpintero matapos itong saksakin ng kanyang kainuman sa Hollywood North, Brgy. Lamo, Dupax del Norte nitong Martes ng hapon, Marso 31.
Batay sa ulat ng Philippine National Police sa nasabing bayan, nag-iinuman ang biktima kasama ang 31-anyos na suspek nang biglang umalis ito. Nang bumalik umano, may dala na itong kutsilyo at agad na sinaksak ang biktima ng tatlong beses sa likuran.
Sa kabila ng tinamong mga sugat, nakatakbo pa umano ang biktima ng humigit-kumulang 100 metro palayo sa suspek bago tuluyang bumagsak.
Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara rin itong dead on arrival dahil sa lalim ng mga saksak.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na dalawang araw nang nag-iinuman ang suspek bunsod ng personal na problema kaugnay sa planong pag-alis ng kanyang live-in partner patungong Middle East upang magtrabaho. Ayon sa pulisya, tutol umano ang suspek sa naturang plano.
Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na maaaring napag-initan ng suspek ang biktima, na nauwi sa pananaksak.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Philippine National Police sa Dupax del Norte ang suspek at inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban dito.










