Itinanggi ni Iloilo Deputy Speaker Rep. Janette Garin ang alegasyon na may suhol o pamimilit sa naging desisyon ng House Committee on Justice na i-impeach si Vice President Sara Duterte.
Ito ay kasunod ng ulat na umano’y may ₱1.3 bilyong “appearance fee” para sa mga miyembro ng komite. Ayon kay Garin, walang katotohanan ang naturang paratang at walang naganap na pamimilit sa mga mambabatas.
Iginiit niya na nakabatay sa ebidensya ang naging pasya laban sa bise presidente, at binanggit na hindi nito nasagot ang mga isyu dahil sa hindi pagdalo sa mga pagdinig.
Nagkakaisang bumoto ang 53 miyembro ng komite, 53–0 na walang abstention, upang tukuyin ang probable cause para sa impeachment matapos ang serye ng pagdinig kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo, unexplained wealth, at pagbabanta sa matataas na opisyal.
Binigyang-diin ni Garin na walang pressure, direktiba, o pera na sangkot sa naging boto at tinawag na panlilihis ng usapin ang mga alegasyon laban sa komite.
Dagdag pa niya, hindi isasakripisyo ng mga miyembro ng komite ang kanilang integridad para sa mga walang basehang akusasyon, at hinikayat ang kampo ng bise presidente na sagutin ang mga paratang sa pamamagitan ng tamang proseso ng impeachment.
Inaasahang aaprubahan ng komite ang kanilang ulat at ihaharap ito sa plenaryo bago isumite sa Senado para sa posibleng paglilitis.











