--Ads--

Tinuligsa ni Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggunita ng Labor Day noong Mayo 1, na aniya’y salungat sa mga hakbang ng administrasyon kaugnay ng karapatan ng mga manggagawa.

Ayon kay San Fernando, tila hindi tugma ang mensahe ng Pangulo tungkol sa pagprotekta sa dignidad ng mga manggagawa sa aktuwal na posisyon ng kanyang administrasyon laban sa mga panukalang magtataas ng sahod at magpapababa ng presyo ng bilihin.

Iginiit din ng mambabatas na hindi sapat ang mga pahayag lamang at kailangan ng konkretong reporma at batas na direktang makatutugon sa problema ng sektor ng paggawa.

Dagdag pa niya, kulang umano ang pakikipag-ugnayan ng administrasyon sa mga manggagawa, at mas madalas pa umanong makipagpulong ang Malacañang sa mga malalaking negosyante kaysa sa labor sector.

--Ads--