Ibinasura na ng Office of the Ombudsman ang kasong isinampa laban kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon kaugnay ng konstruksyon ng mga pasilidad noong 2019 Southeast Asian (SEA) Games dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nakapaloob sa joint resolution na inilabas noong Disyembre 2021 ang pagbasura sa kaso matapos mapatunayang kulang ang ebidensya laban kay Dizon.
Lumabas ang pahayag kasunod ng anunsyo ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na iniimbestigahan ng ahensya ang umano’y bidding at funding anomalies sa mga proyekto ng 2019 SEA Games, partikular sa New Clark City Sports Complex, batay sa mga bagong impormasyong lumitaw.
Gayunman, sinabi ni Palace Press Secretary Claire Castro na noon pa man ay naimbestigahan na si Dizon at tuluyan nang napawalang-sala.
Maaalalang si Dizon ang presidente at chief executive officer (CEO) ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), na nangasiwa sa konstruksiyon noon ng naturang sports complex.
Samantala, iginiit ng Department of Justice (DOJ) na iginagalang nito ang kapangyarihan at operational independence ng NBI sa pagsasagawa ng naturang imbestigasyon.











