--Ads--

Maaari pa rin umanong magamit ang mga testimonya at ebidensyang inilahad ng prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa mga nakabinbing reklamo laban sa kanya sa Office of the Ombudsman, sa kabila ng pag-alis sa mga kaugnay na articles of impeachment.

Ayon kay Atty. Benjamin Tolosa, miyembro ng prosecution panel sa impeachment trial, hindi masasayang ang mga ebidensyang inilatag sa impeachment court dahil may nakabinbin umanong reklamo ng plunder laban sa bise presidente kaugnay ng paggamit ng confidential funds.

Iginiit ni Tolosa na magkaiba ang layunin ng impeachment at ng kasong kriminal. Aniya, nakatuon ang impeachment sa pagiging karapat-dapat ng isang opisyal na manatili sa puwesto, habang hiwalay na usapin ang pananagutang kriminal na maaaring kaharapin ng isang indibidwal.

Samantala, sinabi ni House prosecution adviser Ace Barbers na maaaring sapat na ang mga reklamo laban kay Duterte upang maisampa ang kaso sa Sandiganbayan, lalo’t sinuportahan na umano ng mga testimonya sa ilalim ng panunumpa ang mga alegasyon.

--Ads--

Ayon kay Barbers, makatutulong ang mga testimonya upang mapabilis ang paunang imbestigasyon ng Ombudsman at ang pagbuo ng kasong maaaring iharap sa Sandiganbayan.

Sa kabilang banda, iginiit na ng kampo ni Duterte na hindi siya maaaring kasuhan sa korte habang nananatili siyang bise presidente, dahil isa siyang impeachable officer. Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Lawrence Lim, hindi rin umano siya maaaring usigin sa kasong may kaugnayan sa isang alegasyong siya ring paksa ng impeachment proceedings.

Wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ng bise presidente bilang tugon sa pinakahuling pahayag ng prosecution panel.