Inaasahang mahigit 10,000 music lovers mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang dadagsa sa City of Ilagan para sa kauna-unahang concert ng world-renowned soft rock duo na Air Supply sa Cagayan Valley.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ricky Laggui, General Services Officer (GSO) ng City of Ilagan, sinabi niyang kahit ilang buwan pa bago ang nakatakdang concert ay marami na ang nagtatanong at nag-i-inquire tungkol sa naturang event mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Ayon kay Laggui, bahagi ng “A Matter of Time Tour 2026” ng Air Supply ang kanilang pagtatanghal sa Capital Arena, City of Ilagan na nakatakdang idaos sa Oktubre 21, 2026, alas-7:30 ng gabi.
Sinabi pa niya na nagsimula na rin ang bentahan ng mga tiket para sa inaabangang pagtatanghal ng sikat na duo na binubuo nina Graham Russell at Russell Hitchcock.
Aniya, nakabuo na rin ang lokal na pamahalaan ng isang organizing team na mangunguna sa paghahanda para sa naturang concert at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng libu-libong manonood na inaasahang dadalo.
Samantala, itinakda ang presyo ng mga tiket sa iba’t ibang seating categories. Ang*VVIP Floor ay nagkakahalaga ng ₱13,852, Platinum Floor – ₱10,660, VIP – ₱8,532, Gold Floor – ₱7,469, Lower Box – ₱6,405, at Upper Box – ₱3,213.
Ayon kay Laggui, ito ang kauna-unahang Air Supply concert na gaganapin sa buong Cagayan Valley, dahilan upang maging sentro ng atensyon ang City of Ilagan para sa isa sa pinakamalalaking international music events ngayong 2026.
Dahil dito, inaasahang dadagsa ang mga tagahanga ng Air Supply mula sa Rehiyon Dos at iba pang panig ng bansa upang personal na mapanood ang pagtatanghal ng tanyag na international duo.











