--Ads--

Puspusan na ang paghahanda ng mga organizer para sa nalalapit na pagbubukas ng Premier Volleyball League (PVL) On Tour sa Lungsod ng Ilagan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Ricky Laggui, General Services Officer o GSO ng Lungsod ng Ilagan, na inihahanda na nila ang Capital Arena na magsisilbing pangunahing venue ng prestihiyosong volleyball event.

Aniya, nakikipag-ugnayan na rin sila sa iba’t ibang ahensya at law enforcement authorities upang matiyak ang seguridad at kaayusan ng mga manonood, manlalaro, at iba pang dadalo sa aktibidad.

Nakatakdang idaos ang opening ng PVL On Tour sa Hulyo 8, kung saan inaasahang dadagsa ang mga volleyball enthusiasts mula sa iba’t ibang bahagi ng Region 2 at mga karatig-lugar.

--Ads--

Bukod sa mga laro, magkakaroon din ng meet and greet para sa mga PVL fans sa Hulyo 6 sa Ilagan Community Center. Magbibigay ito ng pagkakataon sa mga tagahanga na personal na makasalamuha ang ilan sa kanilang mga paboritong volleyball players.

Inilabas na rin ng mga organizer ang presyo ng mga tiket. Ang courtside reserved seating ay nagkakahalaga ng ₱1,060, ₱742 naman ang VIP reserved seating, ₱424 ang lower box reserved seating, at ₱170 ang upper box reserved seating, bukod pa sa online processing fee para sa mga bibili ng tiket sa online.

Patuloy namang hinihikayat ng mga organizer ang publiko na suportahan ang pagdaraos ng PVL On Tour sa Lungsod ng Ilagan, na inaasahang makapagpapasigla sa sports tourism at lokal na ekonomiya ng lungsod.