Maghahain si Senator Loren Legarda ng resolusyon upang imbestigahan ang posibleng network at koneksyon sa Pilipinas ng kontrobersyal na sex offender na si Jeffrey Epstein.
Ito ay kasunod ng ulat na may grupo sa bansa na umano’y tumutulong kay Epstein na burahin ang bakas ng kanyang mga iligal na aktibidad sa internet.
Sa plenaryo, sinabi ni Legarda na hihilingin sa Department of Justice, National Bureau of Investigation, at Committee on Women na siyasatin ang umano’y network ni Epstein sa bansa mula pa noong 2010, na nag-aalis ng ebidensya ng kanyang pedophile activities online.
Tututukan ng resolusyon ang “Epstein footprint” sa Pilipinas, pati na ang mga organisasyon, sindikato, at PR companies na tumulong sa paglilinis ng kanyang physical at digital images.
Bago ito, ipinaabot ni Legarda ang suporta sa panukala ni Senator Risa Hontiveros na amyendahan at palakasin ang batas laban sa online sexual abuse ng mga bata.











