Pinagkokomento ng Supreme Court ang Office of the President, Senado, Kamara de Representantes at Commission on Elections kaugnay ng petisyong kumukuwestiyon sa pagpapaliban ng 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Inatasan ng Korte Suprema ang mga respondent na magsumite ng kanilang komento sa loob ng hindi na maaaring palawiging limang calendar days mula sa pagtanggap ng notice.
Ang kautusan ay kasunod ng petisyong inihain ni election lawyer Romulo Macalintal na humihiling ng temporary restraining order o status quo ante order upang pigilan ang pagpapatupad ng Republic Act No. 12326.
Sa ilalim ng RA 12326, inilipat ang susunod na BSKE sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at itinakda na kada limang taon na isasagawa ang mga susunod na halalan.
Hiniling ni Macalintal sa Korte Suprema na ideklarang inoperative, invalid at/o unconstitutional ang batas, partikular ang probisyon nito na nagpapaliban sa 2026 BSKE.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pinal na desisyon ang Supreme Court hinggil sa konstitusyonalidad ng naturang batas.










