--Ads--

Kinuwestiyon ng isang constitutional law expert ang mabagal na pagdedesisyon ng Korte Suprema sa mahahalagang usaping legal, kasunod ng pagbasura nito sa consolidated petitions for writ of habeas corpus na kumukuwestiyon sa pag-aresto at pagdadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, sinabi nitong bagama’t mahalagang napagdesisyunan na ang mga petisyon, matagal umano bago ito nabigyan ng resolusyon gayong pangunahing usapin lamang ng interpretasyon ng batas ang kinailangang sagutin.

Idineklara ng Korte Suprema na moot and academic na ang mga petisyon dahil nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) si Duterte at hindi na maipatutupad ng mga korte sa Pilipinas ang writ of habeas corpus sa ibang bansa.

Gayunman, nilinaw ng Korte na hindi nangangahulugan ang pagbasura sa mga petisyon na legal ang pag-aresto at paglilipat kay Duterte sa ICC o hindi nalabag ang kaniyang mga karapatan.

--Ads--

Ayon kay Atty. Cayosa, dapat sana ay tinalakay din ng Korte Suprema ang merito ng mga petisyon upang malinawan ang mahahalagang usaping konstitusyonal at magkaroon ng gabay ang publiko at mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas.

Binigyang-diin niyang dapat nakabatay ang mga desisyon ng Korte Suprema sa batas, Konstitusyon at mga katotohanan, sa halip na isaalang-alang ang posibleng epekto nito sa politika.

Ginamit din niyang halimbawa ang nakabinbing petisyon ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng umano’y arrest warrant ng ICC, na aniya ay dapat ding agarang maresolba.

Dagdag pa ng abogado, mahalagang mapabilis ang pagdedesisyon ng Korte Suprema upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa hudikatura at matiyak ang kalinawan sa pagpapatupad ng rule of law.