--Ads--

Isang 26-anyos na lalaki ang hinatulan ng suspended sentence matapos mapatunayang sinadya niyang sunugin ang kanyang bahay nang dalawang beses sa loob ng isang gabi.

Ayon sa korte, ginawa raw ito ng lalaki hindi dahil siya ay pyromaniac kundi dahil sa labis na pagkahumaling nito sa mga bumbero.

Kinilala ang suspek na si James Brown ng Ashington, Northumberland. Ayon sa imbestigasyon, tumawag si Brown sa fire brigade upang ireport ang umano’y spark sa kanyang electricity meter na naging sanhi ng pagkasunog ng mga kumot sa loob ng aparador.

Kaagad namang rumisponde ang mga bumbero at naapula ang maliit na sunog. Pinutol rin nila ang suplay ng kuryente bilang pag-iingat.

--Ads--

Ngunit makalipas lamang ang 90 minuto, muling tumawag si Brown upang iulat ang isa na namang sunog. Sa pagkakataong ito, muli na namang nasunog ang mga kumot, bagay na nagdulot ng hinala sa mga bumbero dahil wala na dapat kuryente ang bahay.

Sa karagdagang imbestigasyon, lumabas na sinadya pala ni Brown ang parehong sunog.

Lumabas din sa record na sa nakaraang taon, 80 beses tumawag sa fire department si Brown. Sa korte, inamin niyang guilty siya sa dalawang bilang ng arson at reckless endangerment.

Pinarusahan si Brown ng walong buwang pagkaka­kulong na may dalawang taong suspension, at ipinataw din ang 150 hours ng community service.

Ayon sa abogado ni Brown, labis ang pagsisisi ng kanyang kliyente. Kasalukuyang sumasailalim si Brown sa therapy upang gamutin ang kanyang obsesyon. Simula nang siya’y maaresto, tumigil na rin umano ito sa pakikipag-ugnayan sa mga bumbero.