Inaresto ng mga operatiba ng Diadi Municipal Police Station ang isang lalaki matapos umano nitong barilin at mapatay ang alagang aso ng kanyang kapitbahay gamit ang airgun sa Purok 6, Barangay Bugnay, Diadi, Nueva Vizcaya.
Batay sa ulat, nagtungo sa himpilan ng pulisya ang isang 42-anyos na biyuda at negosyante upang magsampa ng reklamo laban sa suspek kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act, na inamyendahan ng Republic Act 10631.
Ayon sa complainant, nakita umano niya ang suspek na pumasok sa kanilang compound at binaril ang kanyang alagang aso gamit ang airgun noong hapon ng insidente. Agad umanong namatay ang aso dahil sa tinamong sugat.
Sa panig naman ng suspek, sinabi nitong ginawa niya ang pamamaril bilang ganti matapos umanong makapasok sa kanyang farm ang aso at makagat ang isa niyang alagang kambing.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Diadi Police Station upang beripikahin ang insidente. Sa pagdating sa lugar, natagpuan ng mga pulis ang wala nang buhay na aso na may sugat sa katawan.
Dahil dito, nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba kasama ang complainant at ilang opisyal ng barangay. Pagdating sa tahanan ng suspek, kusa umano nitong inamin ang insidente at boluntaryong isinuko ang airgun na ginamit sa pamamaril.
Kaagad na inaresto ang suspek at ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine. Isinagawa rin ng mga awtoridad ang pagmamarka at imbentaryo ng nakumpiskang airgun sa harap ng isang barangay kagawad at ng suspek.
Dinala ang suspek at ang nakumpiskang airgun sa Diadi Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
Muling pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na may kaakibat na pananagutan sa ilalim ng batas ang pananakit at pagmamaltrato sa mga hayop alinsunod sa Animal Welfare Act.





