--Ads--

Isang mabigat na dagok sa komunidad ng mga nagmamahal sa hayop ang kumalat na video at balita ukol sa pagtatapon at pag-aabandona sa mga aso at pusa na itinuring na parang mga walang kwentang bagay.

Para sa mga pet lovers na iniaalay ang kanilang buhay sa pag-aaruga, labis na kalungkutan at pighati ang unang nanaig. Anila, durog ang puso nilang makitang ang mga nilalang na nagbibigay lamang ng wagas na pagmamahal ay sinapit ang ganitong uri ng kalupitan.

Sa naging Panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Lumin isang Pet rescuers, hindi umano ito simpleng kapabayaan lamang—ito ay isang malinaw na anyo ng animal cruelty at hayag na paglabag sa Republic Act 8485, na inamyendahan ng Republic Act 10631 o ang Animal Welfare Act. Sa ilalim ng batas na ito, ang sinumang mapapatunayang nagmamaltrato, nag-aabandona, o nagdudulot ng pinsala sa mga hayop ay may kaukulang parusang pagkakulong at mabigat na pyansa.

Bukod sa panawagan para sa parusa, binigyang-diin din ng mga pet lovers ang kahalagahan ng edukasyon ukol sa responsible pet ownership. Iginiit nila na ang problema sa dumaraming stray animals ay nag-uugat sa kawalan ng tamang kaalaman ng ilang mga nag-aalaga.

--Ads--