--Ads--

Nasungkit ni Formula One world champion Lando Norris ang panalo sa Dutch Grand Prix noong Linggo, para sa back-to-back victories matapos manaig sa kapana-panabik na laban kontra kay championship leader Kimi Antonelli at seven-time world champion Lewis Hamilton.

Nagsimula sa pole position si Norris at nagtapos na 11.54 segundo ang lamang kay Antonelli, na pumangalawa. Dahil dito, nakumpleto rin ng McLaren ang hat-trick nito sa Dutch Grand Prix matapos manalo rito si Oscar Piastri noong nakaraang taon at si Norris noong 2024.

Pumangatlo naman si George Russell ng Mercedes matapos mapigilan ang hamon ni Hamilton sa mga huling lap ng karera.

Naging magulo ang unang bahagi ng karera matapos ang malakas na ulan bago ang start na nag-iwan ng basang track. Sa huling kurbada ng unang lap, nawalan ng kontrol si local hero at Red Bull driver Max Verstappen, bumangga sa pader at tumawid ang kaniyang sasakyan sa track. Agad namang tiniyak ni Verstappen sa kaniyang team na wala siyang pinsala.

--Ads--

Nang muling magsimula ang karera makalipas ang mahigit 30 minuto, mabilis na nalampasan ni Antonelli si Norris sa unang kurbada. Nanatili sa unahan ang Italian driver hanggang sa ika-54 na lap, bago siya matagumpay na nalampasan ni Norris.

Sa pagtatapos, panglima si Charles Leclerc ng Ferrari habang pang-anim naman si Piastri.

Sa kabila ng pagkatalo, hawak pa rin ni Antonelli ang 59-point lead laban kina Hamilton at Russell. Gayunman, papasok siya sa susunod na karera sa Monza na may 10-place grid penalty matapos mapilitang magpalit ng makina ang Mercedes.

Ito na rin ang huling edisyon ng Dutch Grand Prix sa Zandvoort, matapos ihinto ang karera dahil sa mga usaping pinansyal.