Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pagdaloy ng lava at pagbuo ng collapse-fed pyroclastic density currents (PDCs) o mas kilala bilang “uson” sa Bulkang Mayon nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa PHIVOLCS, naobserbahan ang lava effusion dakong alas-9:16 ng gabi noong Hulyo 1, 2026, bilang bahagi ng nagpapatuloy na effusive eruption ng bulkan.
Sinabi ng ahensya na nasa ika-178 magkakasunod na araw na ang pag-aalboroto ng Bulkang Mayon, kung saan patuloy itong naglalabas ng lava, “uson,” at nagdudulot ng pagguho ng mga bato sa mga dalisdis nito.
Dahil dito, nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon, na nagpapahiwatig ng patuloy na mataas na antas ng pag-aalboroto at posibilidad ng mga mapanganib na aktibidad ng bulkan.
Muling nagpaalala ang PHIVOLCS na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng pagdaloy ng lava, pagguho ng bato, pyroclastic density currents, at iba pang panganib na dulot ng patuloy na pag-aalboroto ng bulkan.











