Ibinunyag ni Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste na may ilalantad umano siyang “modus” na kinasasangkutan nina Executive Secretary Ralph Recto at Rep. Edwin Gardiola.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Leviste na inalok umano siya nina Recto at Gardiola na maging bahagi ng kanilang partnership, ngunit hindi niya tinukoy kung ano ang partikular na usapin o proyekto ng naturang alok.
Ayon sa mambabatas, hihiling siya ng oras sa House of Representatives of the Philippines upang makapagsagawa ng privilege speech at maipaliwanag ang kanyang alegasyon para umano sa kapakanan ng publiko.
Nagbahagi rin si Leviste ng larawan ng isang pagpupulong kung saan makikita sina Recto, Gardiola, at dalawa pang indibidwal na gumagawa ng “VL” sign, na iniuugnay niya sa kampanya nina Vilma Santos-Recto at Lucky Manzano.
Sinabi rin niya na ang naturang pagpupulong ay may kaugnayan sa umano’y hiling ng tulong para sa kampanya ng dalawa.











