Libu-libong sibilyan ang tumakas mula sa isang kuta ng oposisyon sa silangang bahagi ng South Sudan matapos na ipag-utos ng militar ang paglikas para maisagawa ang planong opensiba. Nagdulot ito ng pangamba na muling sumiklab ang civil war sa bansa.
Halos wala nang tao ang bayan ng Akobo, malapit sa hangganan ng Ethiopia, matapos magbigay ng ultimatum ang South Sudan People’s Defense Forces na dapat lumikas ang mga sibilyan, aid workers, at peacekeepers ng United Nations bago ang planong pag-atake ng militar.
Ayon sa mga lokall na opisyal ng humanitarian aid, karamihan sa mga babae, bata, at matatanda ay tumawid na papuntang Ethiopia upang makaligtas. Gayunman, naririnig na umano sa paligid ng lugar ang putok ng mga machine gun habang papalapit ang labanan.
Ang operasyon ng pamahalaan, na tinawag na “Operation Enduring Peace,” ay nnagsimula noong Enero at nagdulot na ng higit sa 280,000 na lumikas sa Jonglei State mula pa noong Disyembre.
Nagbabala naman ang UN Commission on Human Rights in South Sudan na maaaring bumalik sa malawakang digmaan ang bansa kung hindi agad kikilos ang mga lider upang pigilan ang lumalalang krisis.
Ang bayan ng Akobo ay isa sa mga huling kuta ng Sudan People’s Liberation Movement-in-Opposition o SPLM-IO, na sumusuporta sa dating bise presidente na si Riek Machar, na lkasalukuyang nasa house arrest sa kabisera na Juba dahil sa kasong pagtataksil at pagpatay.
Samantala, hindi bababa sa 169 katao ang napatay, kabilang ang 90 sibilyan, matapos salakayin ng mga armadong lalaki ang isang bayan sa Abiemnom County sa hilagang bahagi ng bansa. Mahigit 1,000 katao ang nagtago sa isang base ng United Nations para sa kaligtasan.
Patuloy ring nahaharap sa panganib ang mga humanitarian group. Iniulat ng Doctors Without Borders o MSF na 26 sa kanilang mga empleyado ang nawawala matapos masira ang kanilang ospital sa isang air strike ng pamahalaan sa bayan ng Lankien.
Ayon sa mga eksperto, ipinapakita ng lumalalang karahasan ang kahinaan ng kapangyarihan ni Salva Kiir, ang kasalukuyang pangulo ng South Sudan, at ang posibilidad na muling bumagsak ang kasunduang pangkapayapaan noong 2018 na nagwakas sa civil war na pumatay sa humigit-kumulang 400,000 katao.





