Umabot na sa mahigit limang insidente ng grass fire ang naitala sa iba’t ibang bahagi ng Santiago City ngayong umiiral ang dry season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Jay-r Guillano, City Fire Marshal ng BFP Santiago, sinabi nitong batay sa kanilang datos, may tig-isang insidente ng grass fire sa Barangay Naggasican at Barangay Nabbuan, kung saan sa huli ay may kasama ring rubbish fire.
Dalawa namang insidente ng grass fire ang naitala sa Barangay Patul, habang dalawa pa ang narespondehan sa Centro West.
Binanggit din ng opisyal ang isang insidente noong nakaraang linggo na una umanong iniulat na sunog sa isang palengke, subalit kalaunan ay napatunayang false alarm lamang.
Lumalabas na usok ito mula sa insecticide na pinausok, na napagkamalan lamang ng mga residente na may sunog.
Isa sa pangunahing sanhi ng mga grass fire ay ang pagsusunog ng mga natitirang pananim matapos ang anihan.
Kadalasan aniya, iniiwan ang mga sinusunog na bahagi ng bukirin, na nagiging dahilan upang kumalat ang apoy sa mga kalapit na lugar.
Dahil dito, muling nanawagan ang BFP sa publiko na iwasan ang pagsusunog sa mga bukirin at lugar ng taniman upang maiwasan ang pagkakaroon ng sunog.
Hinimok din ng opisyal ang mga residente na maging alerto at agad na tumawag sa BFP kung may napapansing apoy o usok, upang mapigilan ang pagkalat at masigurong ligtas ang komunidad.











