CAUAYAN CITY – Duguan na nang maabutan ng kapitbahay ang biktima ng pananaksak kagabi sa Brgy. Nungnungan 1, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya na matagal nang may alitan ang dalawa dahil sa utang ng biktima sa pinaghihinalaan.
Nangyari ang pananaksak dakong alas dyes ng gabi kagabi kung saan pinasok ng pinaghihinalaan ang bahay ng biktima at habang natutulog ang biktima ay sinaksak umano siya ng suspect gamit ang kutsilyo o kitchen knife.
Nagawa namang maipagtanggol ng biktima ang kanyang sarili at makahingi ng tulong sa kanyang kapitbahay dahilan upang mahuli rin ang suspek.
Nagtamo ng mga sugat ang biktima na agad dinala sa Cauayan City District Hospital ngunit kalaunan ay inilipat din ito sa isang pribadong pagamutan sa lungsod.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Mark Andrew Felipe, kapitbahay ng biktima, sinabi niya na nagulat nalang siya nang may ingay na narinig mula sa kapitbahay kung kayat agad itong lumabas.
Nang marinig ang paghingi ng tulong ng biktima ay agad siyang pumasok sa bahay ng biktima kung saan sa pagmamadali ay dumaan na ito sa bintana para matulungan ang biktima na noon ay duguan na.
Nagawa naman nilang mahuli ang pinaghihinalaan na nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station para sa kaukulang disposisyon.