Mahigit 1,000 pamilya sa Barangay Lagao, General Santos City ang nawalan ng tahanan matapos ang malakas na magnitude 7.8 na lindol na tumama noong Lunes, Hunyo 8, 2026.
Mula sa pangunahing lansangan, kitang-kita ang matinding pinsala sa mga establisimyento at gusali na naapektuhan ng pagyanig. Libu-libong residente rin ang nawalan ng matitirhan dahil sa pagkasira ng kanilang mga bahay.
Sa loob ng Hicban Subdivision, maraming kabahayan ang hindi na ligtas tirhan dahil sa lawak ng pinsalang idinulot ng lindol. Maraming pamilya ang nagsabing nagsimula silang muli mula sa wala matapos masira ang kanilang mga ari-arian.
Malubha rin ang pinsalang natamo ng lugar kung saan napansin ng mga residente ang pagbitak ng mga konkretong bahagi ng komunidad at pagguho ng lupa. Nagdulot ito ng hindi pantay na ibabaw ng lupa na mistulang hagdan dahil sa pag-urong ng ilang bahagi ng lupa.
Dahil sa pangamba sa posibleng mga aftershock at panganib mula sa lumubog na lupa, may ilang residente na nagtayo ng mga pansamantalang tolda sa labas ng kanilang mga bahay. Ang iba naman ay napilitang matulog sa gilid ng kalsada matapos magkaroon ng malalaking bitak ang covered court na nagsisilbing evacuation center.
Naglagay rin ng mga karatula ang mga residente upang ipabatid sa mga dumaraan ang lawak ng pinsalang tinamo ng kanilang komunidad. Ayon sa kanila, hindi agad napansin ang kalagayan ng kanilang lugar dahil hindi ito gaanong nakikita mula sa highway, dahilan upang maantala ang pagdating ng tulong.
Kabilang sa mga pangunahing pangangailangan ng mga apektadong pamilya ang pagkain, malinis na inuming tubig, at mga tolda para sa pansamantalang matutuluyan.
Ayon sa pamunuan ng barangay, nakarating na sa lugar ang mga family food pack mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Nagsimula na rin ang mga barangay health worker sa pamamahagi ng claim stubs para sa mga apektadong pamilya.
Nauna ring tumulong ang iba’t ibang grupo mula sa pribadong sektor, kabilang ang mga simbahan at ilang negosyo. Unti-unti na ring dumarating ang ayuda mula sa pamahalaan.
Iniulat ng mga awtoridad na bukod sa mahigit 1,000 bahay na tuluyang nasira, mahigit 4,000 pang kabahayan ang nagtamo ng bahagyang pinsala. Patuloy naman ang pagsasagawa ng talaan ng mga naapektuhang residente upang maipasa ang kanilang datos sa lokal na pamahalaan at sa pambansang pamahalaan para sa karagdagang tulong.





