Umabot na sa 1,091 road crash accidents ang naitala ng Department of Health ngayong Semana Santa 2026.
Ayon kay DOH spokesperson na si Albert Domingo, ang mga datos ay mula Marso 29 (Linggo ng Palaspas) hanggang Abril 2 (Huwebes Santo), batay sa ulat ng 161 ospital sa buong bansa.
Mas mataas ito ng 150 porsyento kumpara sa 437 na naitalang aksidente sa kaparehong panahon noong 2025. Gayunman, sinabi ni Domingo na maaaring dahil ito sa mas pinaigting na pag-uulat ng mga ospital.
Sa mga rehiyon, nanguna ang Central Luzon na may 196 insidente, sinundan ng Davao Region na may 161, at Ilocos Region na may 159.
Karamihan sa mga sangkot sa aksidente ay mga lalaki na umabot sa 738 kaso, at pinakamarami sa mga biktima ay nasa edad 20 hanggang 24 taong gulang na may 167 na kaso.
Ilan sa mga karaniwang pinsalang natamo sa mga aksidente sa kalsada ay kinabibilangan ng iba’t ibang uri ng sugat at trauma.
Napag-alaman din na karamihan sa mga biktima ay hindi gumagamit ng anumang safety gear (944), habang 783 naman ay mga nagmomotorsiklo. Mayroon ding 118 na kaso na may kinalaman sa pag-inom ng alak, gayundin ang mga pedestrian.
Dagdag pa ni Domingo, nananatiling nakaantabay ang mga kawani ng ospital para sa agarang pagtugon sa anumang insidenteng nangangailangan ng medikal na atensyon, kahit matapos ang Code White.
Nauna nang ipinatupad ng DOH ang Code White mula Marso 30 hanggang Abril 6, 2026. Sa ilalim nito, laging nakaalerto ang mga health emergency team, sapat ang suplay ng mga kagamitang medikal, at handa ang mga emergency room ng mga ospital ng DOH para tumugon sa mga aksidente at iba pang emerhensiya.











