Nasagip ng Department of Migrant Workers (DMW) ang humigit-kumulang 1,700 aspiring overseas Filipino workers (OFWs) matapos maaresto ang isang lalaking umano’y nasa likod ng malawakang illegal recruitment scheme na nag-aalok ng pekeng trabaho sa mga bansa sa Central Europe.
Kinilala ng DMW ang suspek na si Mazhoor Ubongin Khusin, na kilala rin bilang “Maz,” na inaresto noong Hulyo 20, 2026 sa Mexico, Pampanga ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) – Project 4 Police Station sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court ng Makati City, Branch 146 para sa kasong large-scale illegal recruitment.
Ayon sa DMW, si Khusin ay umano’y opisyal ng ALJU International Manpower Services, Inc., isang recruitment agency na dati nang nasangkot sa mga paglabag tulad ng maling representasyon ng mga trabaho sa abroad, paniningil ng labis na placement fees, at hindi pagre-refund sa mga apektadong aplikante.
Batay sa imbestigasyon, nag-aalok umano ang suspek ng trabaho sa Poland, Lithuania at Czech Republic bilang factory workers, farm workers at hotel workers na may ipinapangakong sahod na aabot sa P90,000 kada buwan.
Upang makakuha ng naturang trabaho, pinagbabayad umano ang mga aplikante ng placement fees na mula P80,000 hanggang P130,000. Gumamit din umano ang sindikato ng mapanlinlang na pamamaraan upang mahikayat ang mga biktima na agad maglabas ng pera.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, malaking hakbang ang pagkakaaresto sa suspek sa pagpapanagot sa mga nasa likod ng umano’y panloloko sa mga OFW na naghahanap lamang ng mas magandang kinabukasan para sa kanilang pamilya.
Muling nagpaalala ang DMW sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na maging mapanuri sa mga alok na trabaho, lalo na kung humihingi ng malaking placement fee, nangangako ng napakataas na sahod, o nagbibigay ng garantiya sa visa, permanent residency, at agarang deployment.











