--Ads--

Mahigit 25,000 migrants na nakapasok sa border ng Ceuta ang naibalik na ng pamahalaan ng Spain sa Morocco, ayon sa Ministry of the Interior ng bansa.

Tinatayang mahigit 150 migrants kada minuto ang pinapaalis mula sa maliit na teritoryo habang patuloy ang pagtugon ng mga awtoridad sa matinding pagdagsa ng mga migrants sa lugar.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Eva Tinaza, ginagamit ng maraming migrants ang Ceuta bilang daanan upang makarating sa France, Italy, at iba pang bansa sa Europa kung saan umaasa silang makahanap ng mas magandang oportunidad sa trabaho.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagtangkang tumawid ang mga migrants sa naturang border, ngunit mas marami ang nakapasok sa pinakahuling insidente kumpara sa mga nakaraang taon.

--Ads--

Aniya, may mga nasawi at nasugatan pa sa mapanganib na pagtawid, kabilang ang mga sumakay sa mga siksikang bangka at ang ilan na nagtangkang lumangoy gamit ang salbabida upang marating ang teritoryo ng Spain.

Sinabi rin ni Tinaza na karamihan sa mga nakapasok ay hindi nananatili sa Ceuta dahil agad silang nagtutungo sa iba’t ibang bahagi ng Europa. Marami rin aniya sa kanila ang walang legal na dokumento kaya umaasa silang makahanap ng employer o makapagproseso ng kanilang legal na pananatili sa Spain.

Samantala, patuloy umanong pinag-uusapan ng pamahalaan ng Spain ang mga hakbang upang mapalakas ang seguridad sa border at maiwasan ang panibagong pagdagsa ng mga undocumented migrants.

Sa kabila nito, sinabi ni Tinaza na nananatiling maayos ang sitwasyon sa kanilang lugar at patuloy ang pagbibigay ng tulong ng mga awtoridad sa mga migranteng nangangailangan ng agarang ayuda.