Nauwi sa tensyon ang malawakang kilos-protesta sa Barcelona, Spain matapos magwelga ang libu-libong manggagawa upang igiit ang abot-kayang pabahay at pagtugon sa mataas na cost of living.
Ito ang kauna-unahang nationwide general strike sa Spain sa loob ng 14 na taon na pinangunahan ng mga pangunahing labor union.
Tinatayang 120,000 katao ang nagmartsa sa Madrid habang mahigit 50,000 naman ang lumahok sa Barcelona.
Nauwi sa komprontasyon ang ilang protesta matapos magsunog ng mga basurahan at manira ng mga tindahan ang ilang nakamaskarang indibidwal. Gumamit naman ng tear gas ang mga pulis upang kontrolin ang sitwasyon.
Nagdulot din ang welga ng pagkaantala sa transportasyon at iba pang pampublikong serbisyo sa bansa.
Patuloy na nananawagan ang mga demonstrador ng mas abot-kayang pabahay at mas mataas na sahod sa gitna ng tumataas na gastusin sa pamumuhay.











