Mahigit sa 30 kandidato para sa May 12 National and Local Elections, na kinabibilangan ng isang senatorial bet, ang nakatakdang sampahan ng disqualification case ng Commission on Elections (Comelec) Task Force Baklas dahil sa umano’y paglabag sa mga panuntunan ng poll body sa illegal campaign materials.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang mga naturang kandidato ay hindi tumalima nang pagsabihang tanggalin ang kanilang mga unlawful campaign materials.
Kinumpirma rin ni Garcia na tatlong kandidato pa ang sasampahan ng disqualification petition ng Task Force SAFE (Safeguarding Against Fear and Exclusion in Election) ng Comelec dahil sa paglabag sa anti-discrimination resolution.
Mayroon na aniya silang 400 kaso ng vote buying at may inilabas na rin silang disqualification cases ngunit hindi pa rin tumitigil ang mga kandidato sa paglabag.
Nagbabala naman si Garcia na ihu-hold nila ang proklamasyon ng mga indibidwal na may nakabinbing kaso sakaling magwagi sila sa halalan.