--Ads--

Hiniling ng Makabayan bloc sa House of Representatives na bawiin ang House Bill 10858 o ang panukalang 2027 General Appropriations Bill upang maitama ang mga probisyong itinuturing nilang labag sa Konstitusyon.

Kasunod ito ng desisyon ng Supreme Court na ideklarang unconstitutional ang 2024 at 2025 General Appropriations Acts, gayundin ang ilang probisyon sa unprogrammed appropriations ng 2026 national budget.

Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Renee Co, maaari ring maharap sa kaparehong problema ang 2027 budget kung mananatili ang mga probisyong kahalintulad ng mga tinukoy ng Korte Suprema. Kapag hindi ito naitama, posible rin umanong maantala ang pagpasa ng pambansang badyet. Sinuportahan naman ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang panawagan at iginiit na dapat alisin ang mga probisyong ipinagbawal na ng korte bago tuluyang maipasa ang panukala.

Kung hindi mababawi ng Kamara ang panukalang batas, sinabi ni Co na maaari pang maitama ang mga kuwestiyonableng probisyon sa Senado o sa Bicameral Conference Committee. Hinimok din niya ang Office of the Ombudsman at Commission on Audit na imbestigahan ang mga may-akda, nagpanukala at nagpatupad ng mga probisyong ito, kabilang ang posibleng pananagutan ng mga opisyal kung mapatutunayang kumilos sila nang may bad faith.

--Ads--