Natapos ang kahanga-hangang paglalakbay ni Alexandra Eala sa Berlin Tennis Open matapos siyang talunin ni Linda Nosková, 6-2, 6-4, sa kanilang naantalang semifinal match dahil sa ulan noong Sabado sa Germany.
Bagama’t nabigo siyang makapasok sa kampeonato, nag-iwan si Eala ng malaking marka sa torneo matapos ang sunod-sunod na impresibong panalo laban sa ilan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo.
Bago ang semifinals, ginulat ng Filipina tennis star ang tennis world nang talunin niya ang world No. 2 na si Elena Rybakina sa Round of 16. Sinundan pa niya ito ng isa pang malaking panalo kontra world No. 8 na si Elina Svitolina sa quarterfinals upang makapasok sa huling apat ng torneo.
Sa kabila ng kanyang pagkatalo kay Nosková, ipinakita ni Eala ang kanyang patuloy na pag-unlad at kakayahang makipagsabayan sa mga elite na manlalaro ng women’s tennis.
Samantala, sasabak si Nosková sa finals kung saan haharapin niya ang Amerikanang si Jessica Pegula, na nagwagi laban sa world No. 1 na si Aryna Sabalenka sa kabilang semifinal match.
Bagama’t nagtapos ang kanyang kampanya sa semifinals, ang naging pagtakbo ni Eala sa Berlin ay itinuturing na isa sa pinakamagagandang ipinakitang performance ng isang Pilipinong manlalaro sa isang prestihiyosong torneo ng women’s professional tennis, lalo na matapos niyang pabagsakin ang dalawang top-10 players sa magkasunod na laban.











