--Ads--

Maituturing na pagtataksil sa bayan kung mapatutunayang tumanggap ng pera mula sa China si Vice President Sara Duterte, ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro, na hindi dapat balewalain ang mga ibinunyag ni ­dating Senador Antonio Trillanes IV kung may sapat na ebidensiya.

Ayon kay Castro, pagtataksil sa bayan ang pananahimik ng sinumang opisyal kapalit ng pera habang inaabuso ng mga dayuhan ang mga Pilipinong mangingisda at nilalabag ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

Nilinaw naman ni Castro na wala pang ­paghuhusga ang administrasyon, ngunit dapat malaman ng publiko ang katotohanan kung mapapatunayan ang alegasyon.

--Ads--

Ang pahayag ay kaugnay ng isiniwalat ni Trillanes na daan-daang milyong piso umano mula sa China, China-based firms at negosyanteng si Sammy Uy ang napunta umano sa mga miyembro ng pamilya Duterte.

Ipinakita ni Trillanes ang mga financial record na umano’y nagpapakitang mahigit P469 milyon mula sa Chinese government ang napunta sa mga entity na iniuugnay kina VP Duterte at asawa nitong si Mans Carpio.

Ayon pa kay Trillanes, mahigit P181 milyon mula kay Uy, na tinukoy niyang drug lord, ang umano’y napunta kina Sara, dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang miyembro ng pamilya mula 2011 hanggang 2013.

Iginiit din niya na mahigit P319 milyon ang napunta sa Cale88 Foods Corp. na pag-aari umano ni Carpio habang mahigit P150 milyon umano ang napunta sa Tapang at Malasakit Foundation na iniuugnay kay Duterte.

Para kay Trillanes, usapin din ito ng national security dahil ang mga tumatanggap umano ng pondo ay malalapit sa isang nakaupong bise presidente.

Tumanggap din umano si VP Duterte ng mahigit P22 milyon sa magkakahiwalay na transaksyon noong siya pa ang alkalde ng Davao City. Si Rep. Paolo Duterte naman ay nakatanggap umano ng mahigit P38.8 milyon sa apat na transaksyon.

Samantala, mahigit P51.5 milyon umano ang natanggap ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte habang mahigit P53.2 milyon ang ­naideposito umano kay Kitty Duterte noong menor-de-edad pa lamang ito.

Sinabi rin ni Trillanes na ang dating Pangulong Rodrigo Duterte ay umano’y nakatanggap ng mahigit P15.6 milyon mula kay Uy sa pamamagitan ng mga manager’s check at iba pang transaksyon.