Nilinaw ng Malacañang na hindi pa pinag-uusapan ang posibilidad na akuin ng pamahalaan ang system loss charges ng mga power consumer sakaling maamyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang alisin ang naturang singil.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, mas nararapat na pagtuunan ng pansin ng mga utility company kung paano mababawasan o maiiwasan ang system loss sa kanilang operasyon.
Sinabi ni Castro na layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matiyak na hindi naipapasa sa mga consumer ang mga bayaring hindi naman direktang kaugnay ng kanilang aktuwal na konsumo ng kuryente.
Dagdag pa niya, hindi kabilang sa mga kasalukuyang pinag-uusapan ang pagbibigay ng subsidiya para sa system loss, kundi ang paghahanap ng mga paraan upang mabawasan ang pagkalugi sa sistema ng distribusyon ng kuryente.
Kabilang aniya sa mga hakbang na maaaring gawin ng mga kumpanya ng kuryente ang pagpapatupad ng mas episyenteng operasyon at mas mahigpit na kampanya laban sa iligal na koneksyon at pagnanakaw ng kuryente.











