--Ads--

Mariing itinanggi ng Malacañang nitong Miyerkules na may alam si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa umano’y term-sharing agreement na sinasabing kinasangkutan nila ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ikinagulat ng Pangulo ang naturang alegasyon matapos itong banggitin ni Ramil Madriaga sa kanyang testimonya sa harap ng House Committee on Justice.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Madriaga na ang umano’y kasunduan ay ipinabatid sa kanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bago ang 2022 national elections.

Ayon pa sa kanya, napapayag umano si Marcos na tumakbo bilang bise presidente ni Sara Duterte, at may usapan umano na bababa siya sa puwesto pagsapit ng 2025 para bigyang-daan ang pagkapangulo ni Duterte.

--Ads--

Giit ng Malacañang, hindi bago ang mga alegasyon ng tangkang pagpapatalsik at banta sa buhay ng Pangulo, kabilang ang pahayag ni Madriaga tungkol sa umano’y planong pag-aalis sa kanya sa puwesto.

Samantala, noong Nobyembre 2023, nagbanta umano si Vice President Sara Duterte sa isang online rant na ipapapatay sina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyaring masama sa kanya.