Mariing pinabulaanan ng Malacañang ang kumakalat na balitang isinugod umano sa ospital si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at tiniyak na siya ay nasa mabuting kalusugan at patuloy na ginagampanan ang kanyang mga tungkulin.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, walang katotohanan ang mga ulat na dinala ang Pangulo sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City. Aniya, “He is well, healthy, and working even on a Saturday,” kasabay ng paglilinaw na nagkaroon pa ng pribadong pulong ang Pangulo kasama ang Presidential Management Staff (PMS) noong Sabado ng umaga.
Lumutang ang mga espekulasyon sa social media matapos ang naunang pag-amin na na-diagnose ang Pangulo ng diverticulitis, isang kondisyon na nagdudulot ng pamamaga sa colon. Gayunman, nauna nang tiniyak ng Pangulo na siya ay maayos na matapos isailalim sa medical observation.
Muli ring iginiit ng Palasyo na peke ang kumakalat na medical document tungkol sa kalusugan ng Pangulo, bagay na itinanggi rin ng St. Luke’s Medical Center.
Sa kabila ng mga haka-haka, iginiit ng Malacañang na nananatiling malusog ang Pangulo at nakatuon sa kanyang mga tungkulin para sa bansa.











