--Ads--

Pormal nang isinagawa ang turnover of office ceremony ng pamunuan ng Santiago City Police Office (SCPO) nitong Mayo 14, kung saan opisyal na itinalaga si PCOL. Edith Narag bilang bagong City Director ng tanggapan, kapalit ni PCOL. Lucio Simangan Jr.

‎Ang naturang seremonya ay pinangunahan ni PBGEN. Mariano Rodriguez, Acting Regional Director ng Police Regional Office 2.

‎Dinaluhan ang programa ng mga opisyal ng Philippine National Police, mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, at iba pang panauhin bilang bahagi ng maayos at organisadong pagpapalitan ng liderato sa hanay ng kapulisan sa lungsod.

‎Si PCOL. Simangan ay nagsilbing City Director ng SCPO sa loob ng mahigit isang taon at nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat sa matibay na suporta, tiwala, at pakikiisa ng mga miyembro ng SCPO at mamamayan ng Santiago City sa kabuuan ng kanyang panunungkulan

‎Ayon pa sa kanya, naging matagumpay ang mga programa at operasyon ng tanggapan dahil sa kolektibong pagkilos, dedikasyon, at propesyonalismo ng bawat kawani ng kapulisan.

‎Samantala, sinabi naman ni PCOL. Narag na ang kanyang pamumuno ay mananatiling nakahanay sa direktiba ng Chief PNP at ng pamunuan ng Police Regional Office 2, partikular sa pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad at pagpapatibay ng police operational effectiveness sa ilalim ng enhanced managing police operations framework.

‎Binigyang-diin din niya ang mahigpit na pagpapatupad ng “no take policy” bilang bahagi ng pagsusulong ng integridad, transparency, at pananagutan sa hanay ng kapulisan.

‎Ipinaliwanag din ni PCOL. Narag na mahalaga ang pagkakaisa at koordinasyon ng kababaihan at kalalakihan sa police operations upang mapagsama ang kani-kanilang kakayahan tungo sa mas episyente at mas makataong serbisyo publiko.

‎Inihayag din niya ang kanyang layunin na higit pang paigtingin ang internal discipline, maipatupad ang mahusay na housekeeping standards, at maisulong ang pagkakaroon ng ISO-standardized system sa Santiago City Police Office bilang hakbang sa pagpapataas ng kalidad ng serbisyo at organisasyonal na kahusayan ng tanggapan.
‎‎
‎Binigyang-diin naman ng pamunuan ng PNP ang kahalagahan ng maayos na transisyon ng liderato upang matiyak ang tuloy-tuloy, episyente, at epektibong pagpapatupad ng mga programa para sa kapayapaan at kaayusan sa Santiago City.

‎Bago ang kanyang pagkakatalaga bilang City Director ng SCPO, nagsilbi si PCOL. Edith Narag bilang Chief ng Regional Comptrollership Division (RCD) at ngayon ay siya rin ang kauna-unahang babaeng naitalaga bilang bagong City Director ng SCPO.