Muli na namang tumaas ang presyo ng langis sa bansa simula ngayong araw ng Martes, Marso 17, habang nagpapatuloy ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang dagdag-presyo sa gasolina (RON91) ay nasa ₱12.90 hanggang ₱16.60 kada litro, habang ang diesel ay tumaas ng ₱20.40 hanggang ₱23.90 kada litro at ang kerosene naman ay nadagdagan ng ₱6.90 hanggang ₱8.90 kada litro.
Ipinabatid ng DOE na karamihan sa mga oil companies ay ipatutupad ang staggered price increase, na mararamdaman sa loob ng tatlong araw. Sa pagtatapos ng linggo, inaasahang aabot sa mahigit ₱100 kada litro ang diesel at humigit-kumulang ₱90 kada litro ang gasolina, na magdudulot ng dagdag na pasanin sa mga motorista at mamimili.
Ang bagong pagtaas ng presyo ay bunga ng joint airstrikes ng Estados Unidos at Israel sa Iran noong Pebrero 28, na nagpatindi sa tensyon sa rehiyon. Pinasagot naman ng Iran ang atake sa pamamagitan ng pag-target sa US at Israeli bases at pagsasara ng Strait of Hormuz, isang pangunahing ruta ng pandaigdigang kalakalan ng langis.
Dahil sa mga pangyayaring ito, patuloy na minomonitor ng DOE at ng mga kumpanya ng langis ang sitwasyon upang matiyak ang suplay at maiwasan ang mas matinding kakulangan.
Kasabay nito, pinaghahandaan ng pamahalaan ang mga hakbang upang mapagaan ang epekto sa publiko, kabilang ang posibleng fuel subsidy at koordinasyon para sa fuel discounts sa mga motorista at transport workers.











