Nararanasan ngayon ng Cuba ang malawakang power outage matapos bumagsak ang national electric grid nito noong Lunes ng tanghali (oras sa Cuba).
Ayon sa grid operator ng Cuba na UNE, biglang nag-collapse ang buong electrical system ng bansa, dahilan para mawalan ng kuryente ang tinatayang 10 milyong tao.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng total blackout, ngunit matagal nang problema sa bansa ang paulit-ulit na power outages.
Sa mga nakalipas na buwan, nakararanas na ang Cuba ng ilang oras hanggang ilang araw na brownout dahil sa lumang power infrastructure at kakulangan sa gasolina para sa mga planta ng kuryente.
Mas pinalala pa ito ng matinding krisis sa ekonomiya at limitadong suplay ng enerhiya.
Nabatid na bago pa man ang pag-collapse, halos 2/3 na ng bansa ang walang kuryente.
Maraming Cubano rin ang apektado dahil sa init ng panahon at hirap sa pang-araw-araw na gawain tulad ng pagta-trabaho at pag-aaral.






